Comelec nalungkot sa mababang voter turnout

Comelec nalungkot sa mababang voter turnout

January 6, 2023 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Halos isang buwan na ang voter registration ngunit mababa pa rin ang turnout na ikinalungkot naman ng Commission on Elections (Comelec).

Kasabay nito, hinihimok ng Comelec ang publiko at mga bagong botante na magparehistro na.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, nasa 200,000 botante pa lamang ang nagpaparehistro na malayo sa 1.5 hanggang 2 milyon nilang target.

Muling ipinagpatuloy ang voter registration noong Disyembre 12, 2022.

“Kapag nagsisimula ang voter’s registration, yung nag-resume, medyo matumal at medyo, sabi nga nila nilalangaw ang opisina ng Comelec,” sabi ni Garcia sa press briefing.

Sa hiwalay na pahayag, nanindigan ang poll body na hindi na palalawigin ang voter registration period na matatapos sa Enero 31.

Muli namang ipinaalala ni Garcia sa publiko na huwag aasa sa mga sabi-sabi na ie-extend pa ito ng Comelec.

Hinikayat naman niya ang publiko na magparehistro na dahil ginawa na itong accessible sa kanila ng Comelec.

Ito ang breakdown ng mga voter registrants mula Disyembre 12 hanggang Disyembre 30, sabi ng Comelec.

Para sa Sangguniang Kabataan voter applicants (15 hanggang 17 years old) ay umabot lamang sa 60,491.

Sa 18 hanggang 30 taong gulang ay mayroong 101,944.

Ang regular registration applicants (21 taong gulang pataas) ay nasa 25,694 naman. Jocelyn Tabangcura-Domenden