Comelec nangakong magsusumite ng mga kailangang dokumento sa Senado

Comelec nangakong magsusumite ng mga kailangang dokumento sa Senado

October 17, 2022 @ 5:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pasasalamat ang Commission on Elections (Comelec) sa Honorable Sub-Committee I ng Committee on Finance para sa pag-reset ng budget hearing sa ibang petsa at pagbibigay ng pagkakataong iharap, isumite at ipagtanggol ang kanilang panukalang badyet para sa Fiscal Year 2023.

Sa pahayag mula kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nangangako ang komisyon na susundin ang mga tagubilin ni Sub-Committee Chairperson Senator Imee R. Marcos at isumite ang mga dokumento ngayong hapon, Oktubre 17 gaya ng hiniling ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, Minority Leader at Ex-Officio Member ng Senate Committee on Finance.

Ang pagsusumite ay magsasama ng mga dokumento na tutugon sa mga tanong at paglilinaw sa mga sumusunod na paksang ipinanukala ng Komite:

• Budget ng October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections
• Overseas voter turnout sa 2022 National at Local Elections at mga nakaraang halalan
• Update sa honoraria ng mga manggagawa sa halalan, kabilang ang na-veto na panukalang exemption sa buwis
• Kontrata sa Smartmatic para sa 2022 NLE kasama ang mga nakaraang automated na halalan
• Mga insidente ng vote buying

Kasama ni Chairman George Erwin M. Garcia sina Commissioner Nelson J. Celis, Commissioner Ernesto Ferdinand P. Maceda Jr. at iba pang matataas na opisyal ng Comelec na dumalo sa hybrid public briefing kaninang umaga sa Sen. Recto/Laurel Room, Senate, Pasay City.

Ipinaalam din ni Chairman Garcia sa mga butihing Senador na masigasig silang naghanda upang sagutin ang anumang mga katanungan mula sa panel, upang isumite ang mga indibidwal na dokumento na naihanda nang maaga, at upang magsumite kaagad ng buod ng lahat ng mga dokumento at impormasyon kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden