Comelec nanindigan sa ibinigay na extension kay Marcos Jr.

Comelec nanindigan sa ibinigay na extension kay Marcos Jr.

November 25, 2021 @ 4:34 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Pinanindigan ng Commission on Elections ang desisyon nito na bigyan si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mas mahabang oras upang tumugon sa petisyon na ikansela ang kanyang kandidatura sa Halalan 2022.

Ibinasura ng second division ng poll body ang motion for reconsideration na inihain ng first petitioners, at sinabing pinayagan nito ang apela ng kampo ni Marcos “in the interest of justice and speedy resolution” ng kaso.

Pinagtibay ang desisyon noong Martes at inilabas sa media nitong Huwebes.

Naghain ang abogadong si Theodore Te ng motion for reconsideration noong isang linggo upang hilingin sa Comelec na bawiin nito ang naunang desisyon sa pagbibigay kay Marcos ng karagdagang limang araw upang pormal na tumugon sa petisyon na kanselahin ang kanyang kandidatura. Subalit naghain ang mga abogado ng dating senador ng tugon sa poll body noong ding araw na iyon, bago pa sumapit ang Lunes, ang extended deadline.

Iginiit ni Te, dating Supreme Court spokesman, na hindi dapat binigyan ng Comelec ng extension si Marcos ukol sa kaso, at sinabing nakasaad mismo sa Rules of Procedure ng poll body na “non-extendible,” ang written responses base sa Comelec Resolution No. 9523.

Sinabi ng first petitioners na nangangahulugan umano ang guilty verdict kay Marcos sa unfiled tax returns na hindi na siya maaaring tumakbo sa eleksyon base sa tax code ng bansa.

Kasalukuyang humaharap si Marcos sa limang petisyon na kumukwestiyon sa kanyang kandidatura. RNT/SA