COMELEC officer sa Misamis Oriental, timbog sa shabu

COMELEC officer sa Misamis Oriental, timbog sa shabu

August 9, 2018 @ 3:44 PM 5 years ago


Misamis Oriental – Timbog ang isang Officer-In-Charge (OIC) ng Commission on Elections (COMELEC) makaraan itong mahulihan ng shabu sa buy bust operation sa Gitagum, Misamis Oriental kamakalawa.

Sa bahay mismo ng suspek na nakilalang si Jose Mari Fernandez sa Barangay Iponan isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Gitagum police at Philippine Drug Enforcement Agency-Region 10 (PDEA-R10).

Sa inisyal na report, nakabili umano ang nagpanggap na buyer ng pakete ng hinihinalang shabu sa halagang P1,000 mula sa suspek na kalaunan ay napag-alamang OIC pala ng COMELEC sa bayan ng Gitagum.

Nang maaresto ay nakarekober pa ng apat pang sachet ng shabu na tinatayang may timbang na 10 gramo.

Aabot sa P100,000 ang halaga ng mga nakumpiskang shabu mula kay Fernandez.

Sa isinagawang follow-up operation, nahuli ang isa pang lalaki dahil sa ibinigay na impormasyon ni Fernandez.

Nabilhan din ang lalaki ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang P1,000.

Magkakaroon naman ang PDEA ng masusing imbestigasyon sa iba pang mga empleyado ng gobyerno na nasasangkot sa droga, batay sa isiniwalat na impormasyon ni Fernandez na kapwa nahaharap sa paglabag sa RA 9165 o ang comprehensive Dangerous drugs act of 2002. (Jeff Gallos)