Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa 25-percent shading scheme na inihihirit ni Vice President Leni Robredo sa pagbibilang sa balota sa isinasagawang manual recount. Sa utos ng Korte Suprema, 10 araw lamang ang ibinigay sa COMELEC upang makapagpaliwanag.
Ayon sa korte, ito ay may kaugnayan pa rin sa election protest ni dating Senator Bongbong Marcos laban kay Robredo dahil umano sa iregularidad sa halalan noong May 2016.
Ang kautusan ng Korte Suprema sa COMELEC ay hiwalay sa direktiba naman ng Office of the Solicitor General (OSG) na magpaliwanag din sa naturang isyu.
Una rito, nadiskubre sa isinagawang manual recount ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na sa naganap na halalan sa Camarines Sur ay nagkaroon ng iregularidad.
Ang Camarines Sur ay balwarte ni Robredo gayundin sa Iloilo.
Samantala, ibinasura naman ng PET ang hirit ni Marcos na imbestigahan ang “outing” na umano’y inisponsor ni Robredo sa mahigit 20 PET head revisors at revisor ng pangalawang pangulo sa isang resort sa Pansol, Calamba City, Laguna.
Ito ay dahil nagsasagawa na ng imbestigasyon sa naturang outing ang PET bago pa man maghain ng manifestation ang kampo ni Marcos. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)