Comelec: Plebisito sa Brgy. New Canaan, Saranggani matagumpay

Comelec: Plebisito sa Brgy. New Canaan, Saranggani matagumpay

August 22, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naging matagumpay ang plebisito noong Agosto 20 para pagtibayin ang paglikha ng barangay New Canaan bilang isang regular at natatanging barangay sa munisipalidad ng Alabel sa lalawigan ng Saranggani, ayon kay Comelec Chairman George Garcia.

Nakatakda ring isagawa ng poll body sa Setyembre 3 ang plebisito para pagtibayin ang conversion ng munisipalidad ng Calaca sa isang component city ng lalawigan ng Batangas.

Sinabi ni Comelec Commissioner Nelson Celis matapos ang flag raising ceremony na hindi siya bago sa poll body na dumalo sa mga pagdinig na may kaugnayan sa halalan bilang bahagi ng civil society at nagsilbi bilang consultant ng dating Commissioner Resurrection Borra.

“Mula noon hindi na ako nakaalis sa Commission on Election activities, from 1999 to today” ani Celis.

Dahil hindi siya abogado, sinabi ni Celis na handa siyang humingi ng tulong sa mga abogado sa paghawak ng mga kaso sa elektoral. Binanggit ni Celis na si dating Commissioner Luzviminda Tancangco ay hindi rin abogado noong siya ay nagsilbi sa poll body.

Sinabi ni Garcia na natanggap ni Celis ang kanyang appointment paper sa araw .

Hinihintay ngayon ng dalawa ang kanilang iskedyul sa pagharap sa Commission on Appointments.

Sa kanyang pahayag pagkatapos ng flag ceremony, hinimok ni Garcia ang mga empleyado ng Comelec na isantabi ang personal na interes sa serbisyo ng publiko upang matupad ang mandato ng constitutional body. Jocelyn Tabangcura-Domenden