Comelec: Poll workers na nakaranas ng aberya may dagdag honoraria

Comelec: Poll workers na nakaranas ng aberya may dagdag honoraria

May 23, 2022 @ 5:58 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magbibigay ang Commission on Elections ng P2,000 dagdag honoraria sa bawat poll worker na nag-overtime noong araw ng halalan kasunod ng mga nakaranasang delay at aberya sa mga vote counting machine.

Ayon kay Commissioner George Garcia, ang karagdagang bayad ay ibibigay sa mga poll worker sa 2,308 polling precincts na nakaranas ng aberya sa vote counting machines at SD cards.

“Ginawan na po namin ng paraan na kahit paano lahat po ng miyembro ng mga electoral board, DESO staff, support staff ay pantay-pantay makakakuha ng tig-P2,000,” ani Garcia.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Garcia sa mga guro dahil hindi nila maibigay ang halagang hinihingi ng Department of Education para sa dagdag kompensasyon.

Ayon naman kay Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco ang mga poll worker na nakaranas ng anumang isyu noong halalan, hindi lang ng mga pumalyang VCMs at SD cards, ay makakatanggap ng dagdag bayad.

“Yan po yung lahat ng naka-experience ng issues, hindi lamang ito yung pinull out yung VCM. So all issues, VCM, SD cards, procedura, na naka-experience ng delay sinama na po namin sila lahat sila ay ico-compensate na,” saad niya.

Nabatid na nasa 647,812 na mga tauhan ng DepEd ang nagsilbi sa katatapos lamang na May 2022 elections. RNT/ JCM