Comelec: ‘Register Anywhere’ limitado sa bagong botante, transfers

Comelec: ‘Register Anywhere’ limitado sa bagong botante, transfers

December 6, 2022 @ 2:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na ang Register Anywhere Project (RAP), na ilulunsad sa susunod na linggo ay limitado lamang sa bagong botante at transfer of registration registrants.

Sa Comelec Resolution No. 10869, sinabi ng Commission en banc na
ang mga aplikasyon na ito ang tatanggapin sa RAP booths sa limang malls sa Metro Manila.

“The Commission shall initially implement the RAP by conducting pilot testing, where only applications for New Registration and Transfer from Another City/District/Municipality shall be accepted,” ayon sa poll body.

Sa ilalim ng proyekto, maari nang magparehistro ang mga kuwalipikadong aplikante na naninirahan sa bansa sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang application form, documentary requirements at ang kanilang biometrics ay kunin on-site.

Pagkatapos nito, ang mga isinumiteng dokumento at nakuhang biometrics data ay ieendorso at ipadadala sa Opisina ng Election Officer ng distrito/lungsod/munisipyo na may hurisdiksyon sa tirahan ng aplikante.

Isasagawa ang pilot test ng RAP tuwing Sabado at Linggo mula Dec. 17, 2022 hanggang Jan. 22, 2023.

Ang mga natukoy na mga venue ay sa SM Fairview insa Quezon City, SM Mall of Asia sa Pasay City, SM South Mall sa Las Piñas City, Robinsons Place sa Manila at Robinsons Galleria sa Quezon City.

Walang registration sa Dec. 24, 25, at 31, 2022, at Jan. 1, 2023.

Bumuo ang poll body ng limang RAP teams sa National Capital Region (NCR).

“Each RAP team shall be designated as a remote reception point of all OEOs (Offices of Election Officer),” ayon sa Comelec.

Binubuo ng dalawang personnel ang bawat team na tanggapin at magproseso ng aplikasyon at interview sa aplikante; isa bilang Acting Election officer, na awtorisadong pangasiwaan ang oath of applications on-site.

Ayon pa sa Comelec, magkakaroon din sila ng hindi bababa sa limang Voter Registration Machine (VRM) operator; isang laptop operator para sa National List of Registered Voter (NLRV); dalawang tauhan na namamahala sa crowd management at hindi bababa sa isang tauhan ng Comelec Organic Security Force. Jocelyn Tabangcura-Domenden