Comelec sa ‘di pa nagpaparehistro: Wala nang extension

Comelec sa ‘di pa nagpaparehistro: Wala nang extension

January 23, 2023 @ 4:15 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Muling hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang mga karapat-dapat na botante na magparehistro na bago ang deadline sa Enero 31 dahil maaring hindi na ito malawigin pa.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na walang maisip na dahilan ang poll body kung bakit dapat magkaroon ng extension dahil ipinaalam nila sa publiko ang inisyatiba at inilunsad ang Register Anywhere Project (RAP), na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong botante na magparehistro sa mga booth sa ilang establisyimento tulad ng mga mall, kahit na hindi sila nakatira doon sa lugar.

Giit ni Garcia sa publiko , huwag nang asahan ang pagpapalawig dahil ang deadline ay sa Enero 31 kaya dapat na aniyang lumabas at magparehistro.

“It’s really not a good idea to always extend and extend if there is a deadline. ‘Yung Filipino mentality natin na bukas na lang, that’s not good as far as registration is concerned. So, we will stick to the January 31…and there should be no more excuses for our people not to register,” saad ni Garcia.

Gayunman, maari aniyang ikonsidera ang pagpapalawig sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha dahil sa masamang panahon.

Sa ngayon, sinabi ni Garcia na ang Comelec registration sites sa buong bansa ay nakatanggap na ng hindi bababa sa 1,028,000 na aplikasyon mula nang magbukas ito noong Disyembre 12, 2022.

Target ng poll body na magkaroon ng 1.5 milyon hanggang 2 milyong bagong botante ang nakarehistro hanggang Enero 31 na deadline. Jocelyn Tabangcura-Domenden