Comelec sa mga Overseas Filipino: Pagkakataong bumoto ‘wag palampasin

Comelec sa mga Overseas Filipino: Pagkakataong bumoto ‘wag palampasin

April 5, 2022 @ 12:24 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang Commission on Elections sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na huwag palampasin ang oportunidad na makaboto.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ito na ang panahon para bumoto ang mga Pinoy workers sa ibang bansa sa gitna ng hindi aniya ganoon karaming bumoto noong nakaraang halalan.

Aniya, nauunawaan nila ang sitwasyon ng mga nasa ibayong dagat na mga Pilipino lalo pa’t abala din naman ang mga ito sa kani- kanilang trabaho o di kaya’y ayaw payagan ng kanilang mga employer.

“At tatandaan naman po natin na noong nakaraan, napakakaunti po kasi, hindi po ganoon kadami ang nakakaboto. Naiintindihan po namin, maaaring may pasok po kayo o maaaring busy po kayo o hindi pinayagan ng inyo pong mga employer, pero sana po mabigyan ninyo ng pagkakataon para makaboto po kayo para sa halalan 2022,” ayon kay Garcia.

Magkagayon man ay umaasa pa rin ang mga opisyal ng Comelec na mabibigyan ng panahon ng mga nasa abroad na makapaghalal ang mga ito ng kandidato na sa tingin nila ay karapat-dapat na mamuno sa bansa.

Tinatayang nasa 1.6 milyon overseas voters ang nasa listahan ng Comelec, itinuturing na isang malaking bahagi ng voting population.

“Ako po ay mas nananawagan, lalung-lalo na sa kasalukuyan sa ating mga kababayang nasa abroad. Naku, eh 1.6 million po kayo na boboto para sa overseas voting, huwag po sana ninyong babalewalain ito. Ito po iyong pagkakataon ninyo na makapaghalal kayo ng lider para sa kinabukasan natin,” ayon kay Garcia.

“Ito po ay hindi lamang para sa mga kababayan ninyo o kamag-anak ninyo dito sa ating bansa. Kung hindi lalung-lalo na sa inyo po ito, sapagkat bilang Pilipino kayo po, hindi lang [bilang] obligasyon, pero kayo po ay may karapatan na magsabi kung sino ang lider na [dapat] ay mahahalal natin para sa darating na eleksiyon,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose