Comelec sa mga Pinoy na apektado ng kalamidad, kaguluhan: Pilitin n’yong makaboto

Comelec sa mga Pinoy na apektado ng kalamidad, kaguluhan: Pilitin n’yong makaboto

May 4, 2022 @ 7:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga botanteng apektado ng kalamidad at kaguluhan na sikaping makaboto sa darating na eleksyon.

Walang datos ang poll body sa bilang ng internally displaced people (IDPs) na napilitang umalis na kani-kanilang tahanan dahil sa kaguluhan at mga sakuna, subalit batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hanggang nitong Lunes, halos 20,000 pamilya sa Regions 5, 6, 7 at 8 ang kasalukuyang nananatili sa evacuation centers o nakikipanuluyan sa mga kaanak o kaibigan dahil sa bagyong Agaton.

Sinabi rin ng DSWD na hanggang nitong Abril 29, mayroong mahigit 1,800 pamilya ang hindi pa rin nakauuwi sa Regions 6, 7, 8, MIMAROPA at Caraga dahil naman sa bagyong Odette.

Maging ang mga residente na lumikas dahil sa kaguluhan sa Marawi City noong 2017 ay nananatili pa rin sa temporary shelters.

“Ang ating Comelec ay magpupursige upang lahat kayo ay makaboto subalit sana naman po kayo, sa pagmamahal ninyo sa ating bayan, ay pilitin niyong makaboto sa darating pong halalan. Ito ay isang karapatan na pantay-pantay tayo,” panawagan ni Comelec Commissioner George Garcia. RNT/SA