Comelec sa publiko: Dumalo sa final sealing, testing ng balota

Comelec sa publiko: Dumalo sa final sealing, testing ng balota

April 4, 2022 @ 9:35 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sa hangarin na matiyak ang transparency para sa mga botohan sa Mayo 9, hinikayat ng Commission on Elections ang paglahok sa huling pagsubok at pagse-selyo ng mga vote counting machine (VCM) na nakatakda sa susunod na buwan.

Nanawagan si Comelec Commissioner George Garcia sa political parties at publiko na dumalo sa final testing at sealing ng vote counting machines mula May 2 hanggang 7 sa presinto sa buong bansa. Sa nasabing panahon , ang VCMs ay susuriin upang matiyak na handa na silang gamitin pagdating ng araw ng halalan.

“Magpiprint po yung machine ng resibo pagbukas mo na zero siya, ibig sabihin na walang kalaman laman yung mga makina natin. Para mawala yung duda ng kababayan natin,” ani Garcia sa Balitaan sa Maynila Forum.

“Yung lahat ng makina sa buong Pilipinas sa araw na iyon, kung ano man yung naka-assign na araw yan po ay magtetest ng sampung original na balota,” dagdag nito.

Sinabi ni Garcia na ang mga kalahok sa final sealing at testing ay maaaring mag-undervote, mag-overvote,magmali ng shade, markahan at punitin ang mga balota upang makita kung tatanggapin sila ng mga VCM.

Naniniwala ito na ang nasabing proseso ay mahalaga habang isinusulong ng poll body ang malinis at patas na halalan.

Sinimulan ng Comelec ang paghahatid ng mga VCM, laptop at transmission device sa iba’t ibang lalawigan noong hatinggabi ng Abril 2, Sabado. Susunod ang pamamahagi ng iba pang kagamitan tulad ng mga external batteries, na susundan ng mga opisyal na balota at indelible ink.

Natapos ng Comelec ang pag-imprenta noong Sabado sa 67.4 milyong official ballots na gagamitin sa eleksyon. Ang mga ito ay sumasailalim sa proseso ng pag-verify. Jocelyn Tabangcura-Domenden