Comelec sa publiko: Magparehistro na ngayong holiday season

Comelec sa publiko: Magparehistro na ngayong holiday season

December 21, 2022 @ 5:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umapela ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na magparehistro ngayong holiday season upang maiwasan ang mahabang pila sa last-minute voter registration.

Ginawa ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco ang panawagan nang magbigay ng updates sa unang linggo ng voting registration.

Ayon kay Laudiangco,mababa pa rin ang nagpaparehistro hindi lamang sa mga regular na registration kundi pati na rin sa RAP.

Aniya, maaring abala pa anfg mga kababayan sa mga huling pagtitipon para sa Kapaskuhan .

“Ngunit araw-araw po kaming mananawagan na sana po, mabigyan nila ng pansin at oang pagpaparehistro at samantalahin ang pagkakataon na: 1. Karamihan po ay nasa bakasyon na, lalo na ang mga mag-aaral; 2. Karamihan po ay tumutungo sa malls para mamili at mamasyal; 3. Kasama pong bigyan ng prayoridad ang pagpaparehistro para po hindi sila maabala sa siguradong pagdami ng magpapatala sa Enero,” paalala pa ni Laudiangco.

Gayundin aniya sa RAP, bukod sa nabanggit na kadahilanan ay nasa pilot test pa lamang ito.

Gayunman, gaya ng nabanggit aniya ni Comelec Chairman George Garcia, kapuna-puna na lahat ng registration sites, maging sa regular registration man o RAP ay maayos ang pila at mabilis ang proseso.

Idinagdag pa ni Laudiangco na titigil lamang ang registration sa bisperas ng Pasko, sa mismong Pasko at sa bisperas ng Bagong Taon at sa Enero 1.

Mananatili rin aniyang bukas ang lahat ng tanggapan ng Comelec upang irehistro ang ating mga kababayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden