Comelec: SD cards ligtas sa sunog

Comelec: SD cards ligtas sa sunog

August 1, 2022 @ 4:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinawi ng Commission on Elections (Comelec) ang pangamba ng publiko na nasira ang mga SD card sa sunog na tumama sa Palacio del Gobernador noong Linggo ng gabi.

Tiniyak ni acting spokesperson Rex Laudiangco nitong Lunes na walang SD cards sa Information Technology Department (ITD) lalo na walang SD cards sa buong premises ng Comelec Main Office.

“Lahat po iyan ay nasa aming secured warehouse na mas mataas po ang antas ng proteksyon. Kung makikita po ninyo, hindi po kami nag-store kahit ng [Vote Counting Machine] dito. Kaya po ‘yung agam-agam at pangamba tungkol sa SD cards, pawiin po ninyo ito at wala pong SD cards sa main office ng Comelec,” ani Laudiangco.

Ang pahayag ni Laudiangco ay matapos masunog ang ikapitong palapag ng gusali kung saan naroon ang opisina ng ITD.

Maliban sa SD cards, tiniyak ni Laudiangco sa publiko na ang election returns ay hindi apektado at maka-access sa pamamagitan ng 2022electionresults.comelec.gov.ph.

Binanggit din ni Laudiangco na ang server room sa loob ng IT Department office pati na rin ang registration data ng Comelec ay ligtas at buo.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec, mayroong redundant fail safe system ang registration data na nagse-secure ng impormasyong kailangan para sa halalan.

Dagdag pa niya na ang iba pang mga vault na nag-iimbak ng back-up na impormasyon ng Comelec ay hindi naapektuhan ng insidente ng sunog.

Sinabi ni Laudiangco na hinihintay pa ng Comelec ang pinal na ulat mula sa Bureau of Fire Protection ngunit walang nakikitang ebidensya ng foul play sa mga inisyal na ulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden