Comelec, Smartmatic lusot sa data privacy violation sa 2022 polls; pero ilang indibidwal kinasuhan

Comelec, Smartmatic lusot sa data privacy violation sa 2022 polls; pero ilang indibidwal kinasuhan

January 19, 2023 @ 9:08 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinawalang sala ng National Privacy Commission (NPC) ang Commission on Elections (Comelec)at Smartmatic sa paglabag sa data privacy act dahil sa diumano’y paglabag sa election data noong 2022 national and local elections.

Ito ang inanunsyo ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa isang pahayag na ibinahagi nitong Miyerkules.

Ang desisyon ay inilabas noong September 22, 2022 ngunit naipagbigay-alam lamang sa kanila noong Martes.

“Wherefore, premises considered, this Commissioner hereby…DISMISSES the case against Commission on Elections and the Smartmatic Group of Companies for lack of merit,” saad sa desisyon.

Habang ibinasura nito ang kaso laban sa Comelec at Smartmatic, ang dating empleyado ng Smartmatic na si Ricardo Argana, isang Winston Steward, at iba pang hindi kilalang indibidwal ay nakita ng NPC na lumabag sa Section 29 ng DPA.

Bunsod nito, ipinag-utos ng NPC na ipadala ang desisyon sa Department of Justice at irekomenda ang pag-uusig kina Argana, Steward at mga nasabing hindi kilalang indibidwal.

Sa sinumpaang testimonya , sinabi ni Argana na nakatanggap siya ng private message mula kay  Steward sa pamamagitan ng Facebook messenger, na nangangakong babayaran siya ng P50,000 hanggang P300,000 kapalit ng pagbibigay ng access sa kanyang computer habang nakakonekta sa mga server ng Smartmatic.

Binigyan naman ni Argana ng access ang kanyang computer gamit ang isang application habang nakakonekta sa Smartmatic servers  noong huling linggo ng Disyembre 2021.

Bagamat tumupad sa pinagkasunduan, sinabi ni Argana na hindi siya binayaran ni Steward.

“According to the findings , first, the breach does not involve sensitive personal information or information that may be used to enable identity  fraud and second, the unauthorized acquisition is not likely to give rise to a real risk of serious harm”, paglilinaw naman ni Laudiangco.

Ang kaso ay inihain ng NPC Complaints and Investigation Division (CID) kung saan ang mga personal data breaches sa mga server ng Comelec at Smartmatic ay may kinalaman sa survey forms at overseas voters list.

Inalis din ng privacy commission ang Comelec at Smartmatic mula sa umano’y paglabag sa Section 30 ng DPA kaugnay ng overseas absentee voters list. Jocelyn Tabangcura-Domenden