Manila, Philippines – Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa National and Local Elections (NLE) na gaganapin sa Mayo 13, 2019 sa bansa.
Ito’y sa kabila ng mga pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na mas praktikal kung maipagpaliban ang halalan dahil sa isinusulong na pagbabago ng sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hangga’t walang pormal na anunsyo ang pamahalaan hinggil sa pagpapaliban ng 2019 elections ay tuloy-tuloy pa rin ang preparasyon nila para sa eleksyon.
Kasalukuyang nagdaraos ang poll body ng voters registration sa buong bansa, maliban sa Marawi City, upang makapagparehistro ang mga botanteng nais na makaboto sa halalan sa susunod na taon.
Ang voters registration ay sinimulan noong Hulyo 2 at inaasahang magtatapos sa Setyembre 29, 2018 lamang. (Macs Borja)