Comelec tuloy pa rin sa paghahanda para sa BSKE 2022

Comelec tuloy pa rin sa paghahanda para sa BSKE 2022

October 4, 2022 @ 5:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na wala silang nakikitang masama sa patuloy na paghahanda para sa Disyembre 5 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa gitna ng napipintong pagpapaliban ng mga botohan sa Oktubre sa susunod na taon.

“In truth, it is clear that we are not prohibited from preparing in advance for the elections. We can prepare early for the elections. This is why, initially, our plan is to really continue preparing,” Comelec chairperson George Erwin Garcia sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni Garcia na magagamit pa rin ang mga supply at paraphernalia na bibilhin para sa botohan sa Disyembre kahit na ipagpaliban ang botohan sa ibang petsa.

Binigyan-diin ni Garcia na magagamit pa rin ito kahit na-reset at ipinagpaliban ang halalan.

Kahit na aniya sabihin na ang araw ng halalan ay Disyembre 5, 2022, maaari pang maglabas ng resolusyon na nagsasaad na ito ang parehong mga balota na gagamitin para sa Oktubre 2023.

Muling iginiit ni Garcia na tinitingnan ng kanilang legal team ang mga posibleng implikasyon ng napipintong pagpapaliban para makasunod sila sa audit rules and regulations ng gobyerno.

“If the elections are not pushing through, can we still pay our suppliers for the elections? We are looking at this if the law will still allow us,” ani Garcia.

Niratipikahan na ng Senado at Kapulungan ng mga kinatawan ang panukalang batas na nagpapaliban sa BSKE.

Kapag nalagdaan na bilang batas, ang 2022 Barangay at SK polls ay ililipat sa huling Lunes ng Oktubre 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden