Comelec tutugon sa SC sa DQ case ng Albay gov

Comelec tutugon sa SC sa DQ case ng Albay gov

November 25, 2022 @ 8:43 AM 4 days ago


MANILA, Philippines – Handang sagutin ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na inihain ni Albay Governor Noel Rosal sa  Supreme Court (SC) na humihiling na ipawalang-bisa ang kanyang diskwalipikasyon.

Aminado si Comelec Chairman George Garcia na hindi na sila nasorpresa sa naging hakbang ni Rosal na iakyat ang kaso sa SC dahil aniya ang Kataas-taasang Hukuman ang final arbiter ng kontrobersyang ito.

Inaasahan na aniya ang aksyon ng gobernador ngunit sinabi na nanatili ang desisyon ng Comelec maliban kung pinigilan.

Nobyembre 21 nang maghain ng petisyon si Rosal sa Korte Suprema na humihiling na maglabas ng injunction o status quo ante order para itigil ang pagpapatupad ng desisyon ng Comelec na nagdiskuwalipika sa kanya bilang kandidato sa pagka-gobernador noong nakaraang halalan.

Nauna rito, pinaboran ng Comelec First Division ang  petisyon ni Joseph San Juan Armogila, na inaakusahan ang gobernador ng Albay ng paglabag sa 45-day spending ban sa ilalim ng Omnibus Election Code (OEC).

Ibinasura naman noong Nob.18 ng Commission en banc ang apela ni Rosal at binanggit na walang dahilan upang baligtarin ang desisyon ng First Division noong Setyembre 19, 2022.

Si Rosal ay nanalo bilang gobernador ng Albay sa nagdaang halalan noong May 9, 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden