Comelec tutulak sa Kalayaan Island para sa voter registration

Comelec tutulak sa Kalayaan Island para sa voter registration

January 3, 2023 @ 4:39 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang bisitahin ng Commission on Elections (Comelec) sa munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan sa hangaring pataasin ang voter registration sa lugar.

“Plano rin pong pumunta ng Komisyon sa Kalayaan Island ngayong January 14 para i-highlight ang registration ng ating mga kababayan hindi lamang sa mga lugar na nakikita ng lahat, kung hindi kahit sa mga lugar katulad ng Kalayaan Island,” sabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Maliban sa Kalayaan ay plano rin ng Comelec na bumisita sa iba pang liblib na isla tulad ng Batanes at Tawi-Tawi.

Ayon kay Garcia, ito ay upang maitaas ang antas ng kaalamam ng mga nagpaparehistro at i-avail partikular na ang Register Anywhere Program (RAP) .

Sinabi ni Garcia, na nais nilang ipakita na binibigyang importansya ng Comelec ang mga lugar na may mababang bilang ng botante.

Dagdag pa niya, gagamit sila ng Philippine Air Force plane papuntang Kalayaan at mayroon nang koordinasyon sa mga awtoridad na tutulong sa kanilang pagbisita.

Ang voter registration para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ay nagsimula noong December 12, 2022 at magtatagal hanggang January 31, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden