Comelec: VCMs halos 100% tugma sa RMA sa specials elections sa Kabite

Comelec: VCMs halos 100% tugma sa RMA sa specials elections sa Kabite

February 28, 2023 @ 6:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Iniulat ng Commission on Elections (Comelec ) na 99.96 porsyentong tumpak sa pagbilang ng mga boto ang mga vote counting machine na ginamit sa katatapos lamang na special election sa ika-pitong distrito ng Cavite.

Sinabi ng Comelec na halos 100 porsyentong tama ang random manual audit (RMA) na ginanap noong Linggo sa pitong clustered precincts.

Gayunman, idinagdag nito na isang pagkakaiba ang nakita sa pagitan ng mga bilang na ginawa ng Automated Election System (AES) at ng audit.

“After auditing seven out of seven clustered precincts randomly selected, it yielded an accuracy rate of 99.95968 percent with only one variance or difference between the counts made by the AES and the RMA,” ayon sa Comelec.

Ito ay naitala sa bayan ng Tanza matapos na 1,066 lamang sa 1,067 na boto ang nagtugma.

Sa kabilang banda, nakita sa audit na 100 porsyentong tumutugma ang mga boto mula sa Trece Martires City, 830; Indang, 336 at Amadeo, 247.

Si Crispin Diego “Ping” Diaz Remulla ang nanalo sa special elections matapos makakuha ng 98,474 boto laban sa tatlo pang katunggali.

Iprinoklama rin siya matapos lumabas ang resulta ng botohan nitong umaga ng Linggo.

Pinalitan ni Crispin Diego ang kanyang ama na si dating Rep. Jesus Crispin Remulla, na ngayon ay Department of Justice secretary. Jocelyn Tabangcura-Domenden