COMMISSION ON ELECTIONS, NAIINTINDIHAN NINYO? 

COMMISSION ON ELECTIONS, NAIINTINDIHAN NINYO? 

March 22, 2022 @ 10:52 AM 3 months ago


HINDI pupuwedeng ituring na maliit na bagay ang security breach sa alinmang sistemang nakapailalim sa Commission on Elections (Comelec) sa taon na maghahalal ang bansa ng bago nitong pangulo.

Alam at naranasan na natin ito, kung babalikan sa alaala ang “Comeleaks” na nangyari dalawang buwan bago tayo naghalal ng presidente noong Mayo 2016.

Para sa mga nakalimot na, limang buwan bago ganap na nabunyag ang Comeleaks na gawa ng parehong grupong nag-hack sa database at official website ng Comelec, kaagad ipinaalam ng Manila Bulletin sa Komisyon na nakompromiso ang sistema nito.

Nang mga panahong iyon, iginiit ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi na-hack ang servers ng Comelec gayung iniimbestigahan na ng mga IT experts nito ang tip na natanggap nito mula sa grupo ng Tech News editor ng MB na si Art Samaniego.

Nang nakumpirmang totoo ito, inamin ng dalawang grupo na sila ang nasa likod ng hacking, ang Lulzsec Pilipinas at Anonymous Philippines, na parehong nangatwiran na mabuti ang intensiyon nila sa kanilang ginawa na layuning patunayan ang kahinaan ng sistema ng Comelec at lumalabas na sila ay mga independent “guardians” ng mga boto (sa maniwala kayo o hindi).

Kinasuhan ang isang hacker sa pagkakaroon ng access sa mga personal na impormasyon ng 55 milyong rehistradong botante.

Naabsuwelto ang tao na iyon sa lahat ng kinaharap na kaso.

Sa kasalukuyan — muli, dalawang buwan bago ang isa pang mainitang halalan sa pagkapangulo at dalawang buwan makaraang ibunyag ng parehong MB Tech News team ni Mr. Samaniego ang panibagong “data breach!” – kinumpirma nina Senate President Tito Sotto at Sen. Imee Marcos na nagkaroon ng “napakaseryosong” security breach sa Smartmatic, ang service provider ng Comelec.

Pero itinanggi ng Comelec at ng tag-team buddy nitong Smartmatic ang nabanggit na mga alegasyon.

Kung maagap na mapagtatanto ng Comelec na kailangan nitong tugunan ang anumang  problema sa seguridad, mas mabilis at mas epektibo ang magiging pagkilos nito upang maitama ang kailangang maiwasto at mas madali nitong mababawi ang tiwala ng mga botante na kontrolado at nasa mabuting kamay ng poll body ang halalan sa Mayo 9. Ibunyag mo ang totoong nangyayari, Mr. Jimenez.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.