Community transmission ng Omicron sa NCR kinumpirma ng DOH

Community transmission ng Omicron sa NCR kinumpirma ng DOH

January 15, 2022 @ 2:00 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Sabado ang community transmission ng Omicron variant ng SARS-CoV-2 virus sa Metro Manila.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na habang hindi na masabayan ng genome sequencing efforts ang pagtaas ng mga kaso, natukoy ng DOH na mayroon nang local cases ng Omicron sa bansa.

“Dito sa National Capital Region, we are seeing community transmission dito sa NCR ng Omicron variant. Bagama’t hindi nakakahabol ang ating whole genome sequencing, we already have determined that there are local cases already,” pahayag ni Vergeire sa Laging Handa public briefing.

“Sa nakikita nating trend ngayon, ito po ang charactheristic talaga ng Omicron variant, ‘yung mabilis na pagkalat, ‘yung very steep rise in the number of cases, ‘yung doubling time na every two days na napakabilis, ito po lahat ay charactheristics ng Omicron variant,” patuloy niya.

Nauna nang ihayag ng DOH na base lang sa tantya nito na napasok na ng Omicron ang mga komunidad, at kailangan pa ng ebidensya bago ideklara ang Omicron-driven community transmission.

Samantala, ayon din kay Vergeire, tumataas na ang COVID-19 cases sa iba pang mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.

Aniya, sakaling magpatuloy pa ito, maaaring mapalitan ng Omicron ang Delta bilang dominanteng variant ng COVID-19 sa bansa.