Caloocan City – Sugatan ang isang company driver matapos tamaan ng bala habang nakikipag-agawan sa baril ng retiradong sundalo sa Caloocan City, kanina (July 8).
Ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang hita si Jayson Borja, 39 ng Company driver Green Advance Tech, at residente ng no. 247 Lourdes st., Brgy. 27 matapos isugod ng mga barangay tanod.
Kinilala naman ni Caloocan police chief Sr. Supt. Restituto Arcangel ang naarestong suspek na si Danilo Pendel, 55, retired Philippine Navy at residente ng No. 47 Mithi St., corner San Diego st., Brgy. 24.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon, naglalaro ng basketball ang biktima kasama ang kanyang mga anak sa Lourdes St., corner San Diego St. nang lapitan ito ng suspek at pasigaw na sinabihan “Tinatawag kita ayaw mong lumapit! Papatayin kita!”.
Agad naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na masuwerteng hindi tinamaan kaya sinubukan ni Borja na makipag-agawan sa hawak na baril ni Pendel.
Habang nagpapambuno ang dalawa, patuloy namang pinapaputok ng suspek ang baril at tinamaan sa kaliwang hita ang biktima na kahit sugatan ay nagawa nitong mapabagsak si Pendel at makuha ang baril.
Mabilis namang dumating ang mga rumespondeng pulis at barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at narekober sa kanya ang 2 magazine na kargado ng mga bala, habang tinurn-over naman ng biktima sa mga pulis ang cal. 45 pistola ni Pendel. Narekober din sa crime scene ang 5 basyo ng bala. (Rene Manahan)