Compensation packages sa social workers, itinulak ni Sen. Bong Go

Compensation packages sa social workers, itinulak ni Sen. Bong Go

January 30, 2023 @ 3:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinikilala ang kanilang mahalagang papel sa human development at nation-building, inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1707 na magkakaloob ng competitive remuneration at compensation packages sa mga social worker sa bansa.

Sa kanyang panukala, pinuri ni Go ang papel ng social workers sa pagbibigay ng karampatang panlipunang proteksyon sa mga Pilipino na humahantong sa mga positibong resulta ng ekonomiya, nagpapatibay at nag-aayos ng lipunan.

Sinabi ni Go na kinakailangang itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng social workers sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanilang competitive na sahod at pakete ng kompensasyon.

Binanggit ng senador na ang mga rehistradong social worker ay isa sa mga hindi napapansing grupo ng mga manggagawa sa kabila ng malaking bigat ng kanilang kontribusyon at responsibilidad para sa kapakanan ng lahat.

“Social workers play vital roles in reintegration of families and communities who have been vulnerable after being victims of crimes, disasters, calamities, armed conflicts or similar incidents,” ayon sa senador.

Sa kanyang panukalang batas, SBN 1707 o “Competitive Remuneration and Compensation Packages for Social Workers Act of 2023”, ginagarantiya nito ang proteksyon sa social workers mula sa diskriminasyon, pananakot, panliligalig o pagpaparusa, kabilang ang arbitrary reassignment o termination of service sa pagganap sa kanilang tungkulin at responsibilidad.

Poproteksyonan din ng panukalang batas ang kanilang karapatang lumahok, mag-organisa, o tumulong sa mga organisasyon o unyon na ayon sa batas.

Higit dito, kung maisasabatas, ang social workers ay dapat maprotektahan mula sa anumang pagkilos na pipigil sa kanila sa paglalapat ng mga propesyonal na interbensyon kung kakailanganin ng sitwasyon at pagkakataon para sa patuloy na paglago at pag-unlad bilang propesyunal.

Nakasaad din sa panukalang batas na ang minimum base pay ng Social Welfare Officer I sa mga institusyon ng gobyerno ay hindi dapat mas mababa sa Salary Grade 13 o katumbas na buwanang suweldo gaya ng umiiral na Modified Salary Schedule para sa civilian employees.

Para naman sa mga social worker sa mga lokal na yunit ng pamahalaan, ang pagsasaayos ng kanilang mga suweldo ay dapat na naaayon sa mga angkop na batas.

Sinabi ni Go na sa ilalim ng kanyang panukala, ang Department of Social Welfare and Development, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno, asosasyon ng mga social worker, at accredited professional organization, ay inaatasang lumikha ng sistema ng insentibo at benepisyo para sa social workers.

Higit pa rito, ang mga benepisyong ibinigay sa ilalim ng Republic Act No. 9433, o “Magna Carta for Public Social Workers” ay maaaring palawigin sa mga rehistradong social worker sa ilalim ng isang cost of service status.

“Ito na ang tamang panahon para lubos na kilalanin ang social workers na kampeon ng pagbabago sa lipunan,” giit ni Go. RNT