Con-con pasado na sa ikalawang pagbasa

Con-con pasado na sa ikalawang pagbasa

March 1, 2023 @ 7:04 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagsusulong ng pagbuo ng constitutional convention (con-con) para sa pag-aamyenda ng 1987 Constitution.

Inaasahan na sa susunod na linggo ay maipapasa na rin ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa, ito ay ilang araw lamang mula nang maipasa ito sa komite at isalang sa deliberasyon sa House Plenary.

Bago ang pagpasa sa ikalawang pagbasa ay naghain ng amendment si Iloilo Rep. Lorenz Defensor kung saan nais nitong maging malinaw na ang revisions o pagbabago na gagawin sa 1987 Constitution ay tututok lamang sa economic provisions.

Ang mosyon ni Defensor ay agad namang tinanggap ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na siyang nag-isponsor ng panukala.

Sa oras na maaprubahan ng Senado at Kamara ang ConCon ay isasabay ang pagpili ng ConCon delegates sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30,2023, ang delegasyon ay bubuuin ng mga appointed at elected delegates mula sa lahat ng legislative districts.

Una nang sinabi ni Rodriguez na ang pagbabago sa Philippine Constitution ay kailangan na upang magbigay-daan sa pag-unlad ng bansa, minaliit lamang nito ang P10B na gagastusin sa ConCon kung ang kapalit naman nito ay pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa.

Samantala, nagpahayag nama ng pagtutol si Senior Minority Leader at Northern Samar 1st District Rep. Paul Ruiz Daza sa pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng ConCon, mas pabor ang mambabatas na gawin ito sa pamamagitan ng constitutional assembly (con-ass).

Aniya, mas “practical, expedient at transparent” ang ConAss kung saan hindi gagastos ng malaki ang gobyerno, giniit nito na ang P10B hanggang P15B na gugugulin sa ConCon ay maaari nang ilaan para sa scholarships at medical assistance. Gail Mendoza