CONDONATION NG MGA “UNPAID CONTRIBUTIONS” NG MGA KASAMBAHAY, ISINULONG SA SENADO    

CONDONATION NG MGA “UNPAID CONTRIBUTIONS” NG MGA KASAMBAHAY, ISINULONG SA SENADO    

September 3, 2022 @ 4:33 PM 1 month ago


INIHAIN ni senator Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 43 na magbibigay ng condonation sa mga penalties kaugnay sa mga hindi nabayarang hulog ng mga amo sa kontribusyon ng kanilang mga kasambahay. 

Para sa senador, isa itong “win-win solution” matapos na aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P1,000 na pagtataas ng suweldo ng mga household workers na nagsisilbi sa Metro Manila.

Ani pa ng senador, ang condonation ay paghinga ng mga household employers sa may kabigatang isang libong pagtataas ng suweldo habang ang bansa ay bumabangon pa lamang sa epekto ng coronavirus disease 2019 at sunod-sunod na mga kalamidad na dumating.

Nakapaloob sa panukalang batas ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga household employers na magsumite ng proposal sa SSS hinggil sa kanilang kapasidad na mabayaran ang mga kontribusyon ng kanilang mga kasambahay simula ng maging epektibo ang Republic Act No. 10361 o ang Batas Kasambahay at sa inilabas na implementing rules and regulations (IRR) nito.  

Sa loob ng ibibigay na anim na buwang “grace period” at hindi parin nagbayad ang household employer, tsaka lamang siya hahabulin at sasampahan ng kaso ng paglabag sa Batas Kasambahay at maging sa SSS law o ang R.A. No. 11199. 

Kabilang din sa makikinabang sa condonation ang mga hindi rehistradong kasambahay at mga may on-going cases sa Prosecutor’s office hinggil sa monthly contribution.

Base sa datus ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 1.4 million ang bilang ng mga kasambahay sa buong bansa na naglilingkod sa higit kumulang 200,000 na mga tahanan.

Ang nakalulungkot, lumabas sa isinagawang survey ng PSA at ng DOLE na 83% ng mga kasambahay ay hindi pa naka-rehistro sa SSS.

Ayon sa tala ng SSS, nasa 267,478 lamang na mga household workers ang naka-rehistro at nababayaran ang kontribsyon ng kanilang mga amo sa buong bansa. Pangunahing sanhi ng hindi pagrerehistro ay ang kakulangan sa mga papeles ng kasambahay, kawalan ng oras ng household employer, at minsan ay ayaw ng mismong household helper na magpakaltas sa kanyang suweldo para sa SSS.

Sa panayam natin kay Ms. Maria Cecilia Flores Mercado, Head ng Media Affair Department (MAD) ng SSS, sa ating programang “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” sa DWBL 1242, sinabi nitong hihintayin nila na ipatawag sila sa gagawing kaugnay na pagdinig ukol sa panukalang batas, kung saan ay pormal na hihingi ng position paper ang Senado sa ahensiya.