Confidential fund ng DepEd mas malaki pa sa pondo ng NICA

Confidential fund ng DepEd mas malaki pa sa pondo ng NICA

October 5, 2022 @ 9:56 AM 6 months ago


MANILA, Philippines – Kinuwestyon sa senado ang labis na laki ng confidential fund na inihihirit ng Department of Education na mas malaki pa kaysa sa budget ng state intelligence agency.

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na ang panukalang ₱150-million confidential fund para sa DepEd ay mas malaki pa sa ₱141.2 milyong pondo na inilaan para sa kumpidensyal at intelligence funds ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

“Ang pag-prioritize ng badyet ay mali. Let’s leave intelligence and security to the pros,” giit ni Hontiveros sa isang pahayag.

Sa kabuuan, ang NICA ay may panukalang ₱1.058-bilyong badyet sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program. Inaprubahan ng Senate committee on finance ang halaga sa isang executive session noong Martes, kasama ang nakalaan na ₱343.3-million na pondo para sa National Security Council.

Sa dalawang oras na closed-door session, sinabi ng panel chairman na si Sonny Angara na tinalakay ng dalawang ahensya kung paano nila ginugol ang kanilang 2022 budget.

Sinabi niya na kapwa nag-apela para sa karagdagang pondo na “daan-daang milyon bawat isa.”

Samantala, sinabi ni Angara na wala siyang nakikitang problema sa hinihinging intelligence fund ng DepEd.

“Kung kailangan nila ‘yung intel funds, then as long as di nasasayang, may general purpose siya, sa akin okay naman,” ani Angara. “Basta nadya-justify nila.”

Nauna nang sinabi ni Vice President Sara Duterte, na nagsisilbi ring Education secretary, na ang kumpidensyal na pondo ay gagamitin upang makatulong sa paglaban sa mga krimen na nagta-target sa mga mag-aaral at guro.

Sinabi rin niya na ipinaubaya niya ang usapin sa pagpapasya ng Kongreso. RNT