Confidential funds sa civilian agencies, ipatatanggal ni Hontiveros

Confidential funds sa civilian agencies, ipatatanggal ni Hontiveros

November 28, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Target ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na itigil ang paglalagay ng confidential at intelligence funds sa mga civilian agencies sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Administrative Code.

Ito ang sinabi ni Hontiveros nitong Lunes, Nobyembre 28 kung saan sinasang-ayunan niya aang obserbasyon na nasasanay na ang mga ahensya ng gobyerno na tumanggap ng CIFs mula sa taunang national budget.

Aniya, ang kaugaliang ito ay legasiya pa mula sa martial law at diktadurya.

“Kahit tingnan natin ang budget history, apparently, this practice of having confidential and intelligence funds kahit sa mga civilian agencies would date back to a particular Presidential Decree… So isa rin itong legasiya ng batas militar, ng diktatura at it is something now embedded, if I’m not mistaken in our Administrative Code,” sinabi ni Hontiveros sa panayam ng ANC.

“So interesante at palagay kong importanteng pag-aralan natin, namin sa Senado or Kongreso, ang other budget reforms that we can introduce by way of legislation, ‘yung amendment sa Administrative Code man ‘yon or sa iba pa,” dagdag niya.

Hindi umano magandang gawain ito na paulit-ulit na ginagawa ng pamahalaan sa mahigit ilang dekada na.

Ani Hontiveros, mas mainam umano na ilagay ang CIFs sa mga programa na itinakda sa General Appropriations Bill.

Dagdag pa, ang realignment ng Senado sa P120 milyon na confidential funds ng Department of Education (DepEd) para sa Health Learners Institution Program ay: “step in [the] right direction to surface more of the government funds.”

“[It’s a step in the right direction] to surface more of them in the annual budget para subject sa regular [Commission on Audit] auditing, subject din sa regular citizen examination to make more honest brokers of us in government over time,” giit ng Senadora.

“Dahil alam naming ia-audit ang budget na ibinigay sa amin ng taxpayers, ng mamamayan at ng Kongreso, na we will be more transparent and accountable at maike-kwenta namin ‘yon sa COA nang maipagmamalaki namin at hindi ikahihiya,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng paghahayag sa isyu ng paglalaan ng confidential funds sa mga civilian agencies, ibang usapin naman para kay Hontiveros ang paglalaan ng intelligence funds.

“Ibang usapan ‘yung intelligence funds ng mga ahensya natin and I say the professionals na talagang may kinalaman sa national defense or ‘yung mga Armed Forces or ‘yung National Police and even they, dito sa Pilipinas and I think lalo na sa ibang bansa, have long standing practices kung paano or at least paano maging accountable para sa pondong yon,” paliwanag niya.

Sa pagbabahagi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, ang confidential funds ay ibinibigay sa mga civilian agencies para sa mga surveillance activities na makatutulong upang maging epektibo ang mandato at gawain nito samantala ang intelligence funds naman ay para sa mga law enforcement agencies o armed services na kaugnay ng mga usapin ng seguridad ng bansa.

Matatandaan na sa national budget, ipinanukala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P4.5 bilyon na CIF sa kanyang opisina habang si Vice President Sara Duterte ay nagnanais ng P500 milyon CIF sa kanyang opisina mula sa proposed P2.3 bilyon na alokasyon. RNT/JGC