CONFIDENTIAL FUNDS SA DEPED DAPAT IBIGAY  

CONFIDENTIAL FUNDS SA DEPED DAPAT IBIGAY  

October 1, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


ISANG isyu sa pambansang badyet ang napakainit na pinag-uusapan, ang confidential fund.    

Mainit dahil kung hindi nanakawin ito ng mga korap, lulustayin lamang sa mga walang kapararakang programa.  

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na marami at hindi mabilang sa daliri ang mga balitang kinokorap o nilulustay lang ang nasabing pondo.  

Lalo’t may naniniwalang halos walang paraan para makwenta ang mga pinagkakagastusan dito nang tama.  

At tanging ang mga matataas na opisyal lang ang nakaaalam kung paano, kailan, saan gagamitin ang mga ito.  

‘Yung bang === walang Comi-Commission on Audit umano sa mga pondong ganito.  

CONFIDENTIAL FUND NG DEPED  

Kabilang sa mga binubusisi ngayon na panukalang confidential fund ang P150 milyong hiling ng Department of Education na pinamumunuan ni Vice President Inday Sara Duterte.  

Minamarites ngayon ito, lalo na ng mga walang magawa kundi sumilip para siraan ang kasalukuyang pamahalaan.  

Patutsada nila, kaduda-duda ito dahil walang malinaw umanong paggagamitan ito at lumalabas na discretionary fund o nakasalalay lang sa kung ano ang gusto ni Inday Sara.  

Pero inilinaw mismo ni Inday Sara na gagamitin ito bilang suporta sa mandato ng kanyang opisina na magsilbi sa taumbayan, partikular sa linya ng edukasyon.  

At sa pagkakaalam ni Senador Win Gatchalian na inilatag mismo ng opisina ni VP at Education Secretary Inday, gagamitin ito laban sa mga krimen na nagaganap sa mga eskwela gaya ng sexual harassment, child abuse at iba pang krimen.  

Pwede nga rin umanong bahaginan ng pondo ang pulisya na lumalaban sa mga krimen na umaatake sa mga estudyanteng mag-aaral.  

Mismong ang DepEd din ang naglista ng sangkatutak na paggagamitan ng confidential fund at kabilang dito ang laban nga sa sexual abuse, korapsyon, iligal na droga, pagkalap sa mga estudyante na maging rebelde, terorismo, child labor, pornograpiya, gangsterismo at iskam na nauugnay sa salapi.  

Pondo ang confidential fund bilang proteksyon ng mga mag-aaral, titser at iba pang mga nauugnay sa sistema ng edukasyon.  

Imadyinin na lang na nasa 23 milyong estudyante ang sakop ng DepEd na tinatauhan ng nasa 60,000 guro.  

Marami talaga ang nagaganap na krimen sa hanay ng mga ito at maliit pa nga kung tutuusin ang pondo bilang panlaban dito.  

IBA PANG PAGLALAANAN  

Ang totoo, may iba pang pinagkakagastusan ang mga titser maliban sa mga nabanggit sa itaas.  

Kagaya na lamang ang pagkuha ng mga taong magmando sa mga kalsada upang maligtas sa krimen at disgrasya ang mga estudyante at guro mula Lunes hanggang Biyernes at iba pang mga araw na may mga okasyon at proyekto sa iskul.  

Marami ring eskwela ang ninanakawan ng mga gamit mula sa laptop, telebisyon, bentilador, kaldero sa kusina at iba pa at mismong ang mga titser at mga magulang ang gumagastos dito.  

MABUTI PANG TUMULONG  

Mas maganda sigurong mag-isip na lamang ang mga marites at kritiko kung paano sila makatutulong sa napakagagandang programang popondohan ng confidential fund.  

At kung magagawa nila, magdagdag na rin sila ng pondo para rito upang ganap mailayo sa kapahamakan ang mga mag-aaral, guro at iba pa.