Cong. Bustos sa 2023 PNPA Alumni Homecoming

Cong. Bustos sa 2023 PNPA Alumni Homecoming

February 27, 2023 @ 2:44 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Patrol Partylist Congressman Jorge “Patrol” Bustos ang kanyang mga kapwa alumni ng Philippine National Police Academy na ipagpatuloy ang pamumuno bilang mga huwaran sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng tatlong ‘core values” ng PNPA na “service, integrity at justice.”

Ginawa ni Cong. Patrol Bustos ang pahayag sa pagdiriwang ng 43rd Grand Alumni Homecoming ng PNPA noong Sabado sa Campos Grandstand sa Camp General Mariano N. Castañeda, Silang, Cavite.

Sinabi ni Bustos na bilang alumni ng PNPA, nakatakda silang mamuno at ipagtanggol ang bansa nang naaayon sa kanilang motto na “to learn today, to lead tomorrow.”

Masayang ibinahagi ni Bustos, ng 1996 Kaagapay Class, ang kasiyahang naramdaman niya sa mga pagbabago sa PNPA at sa pagiging proud parent bunsod ng pag-adopt sa kanyang anak na si Mayor Ton Ton Bustos ng 2008 Omansilang Class.

Sa kanyang pakikisalamuha umano sa mga kapwa Lakan mula sa iba’t ibang class, naramdaman niya ang sinseridad at pagkakaisa ng lahat tungo sa kanilang sama-samang ipinaglalaban na maging protektor ng taumbayan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang komunidad at sa tuloy-tuloy na pag-unlad at pagbuo ng mas maayos na mga batayan ng pagbabantay na angkop sa pagbabago ng panahon.

Idinagdag pa niya na sa kabila ng mga pagsubok, muling nagsama-sama ang mga Lakan na pinag-isa ng kanilang mga karanasan at pagmamahal sa PNPA para sa kanilang commitment sa isa’t isa at ipagdiwang ang kanilang katatagan, lakas at tagumpay. RNT