Construction worker na namumulot ng suso nalunod sa dam

Construction worker na namumulot ng suso nalunod sa dam

March 29, 2022 @ 6:35 PM 3 months ago


TALUGTUG, Nueva Ecija – Patay  ang isang construction worker makaraang malunod sa malalim na bahagi ng isang dam sa Barangay Sto. Domingo, Lunes ng gabi. 

Namumulot lang umano ng mga suso ang biktima na nakilalang si Jeddy Boy Yambot, 29-anyos, ng Barangay Bantug, Guimba, Nueva Ecija nang mapadako ito sa malalim na bahagi ng dam at hindi na umano nagawang makaahon.

Nabatid sa Talugtug Police na pasado alas-7 ng gabi, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanilang foreman na si Bernie Silva at apat pa niyang katrabaho malapit sa dam.

Hindi nagtagal ay napagpasyahan ng biktima kasama ang kanilang foreman at dalawang kasamahan na nakilalang sina Mark Anthony Mallari ng Brgy. Maturanoc at Rommel Gose ng Brgy. Saranay, kapwa sakop ng bayan ng Guimba, NE, na magtungo sa paligid ng dam at mamulot umano ng mga suso na kanilang iluluto at gagawing pulutan.

Naengganya umano ang biktima sa malamig at malinis na tubig ng dam kaya nagtungo umano ito sa kabilang parte nito at inaya pa umano nito ang mga kasama na doon na mamulot.

Dala umano ng kalasingan ng biktima ay hindi nito namalayan na malalim pala ang napuntahan nitong bahagi at dito na nalunod na hindi umano agad nalaman ng kanyang mga kasama. Ver Sta. Ana