Construction worker todas sa van sa Caloocan

Construction worker todas sa van sa Caloocan

January 31, 2022 @ 5:43 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Patay ang isang 20-anyos na construction worker matapos magulungan ng isang Isuzu elf close van sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas si Arjay Zyrus Cimanes ng Block 7, Lot 3, Manggahan, Malaria ng lunsod sa Caloocan Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng van na kinilalang si Junjun Tenedero, 46, residente ng Bernardino St., Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Caloocan Police traffic investigator P/ Cpl. William Ramirez, Jr., sakay ang biktima sa isang Kawasaki Rouser motorcycle habang tinatahak ang kahabaan ng Uyguanco Road, Brgy 187 Sto. Nino patungong south na direction dakong alas-6:30 ng umaga nang mawalan siya ng control sa motorsiklo at pagsapit sa harap ng Maximus Pharmacy ay aksidenteng bumagsak sa kalsada.

Tinangka namang iwasan ng driver ng Isuzu van na tinatahak ang opposite direction ang biktima na tumilapon sa kabilang kalsada subalit, nahagip pa rin at nagulungan ng kaliwang gulong sa likuran ng kanyang sasakyan si Cimanes.(R.A Marquez)