Consumer group: Taas-presyo sa bilihin, pahupain sa tax relief

Consumer group: Taas-presyo sa bilihin, pahupain sa tax relief

November 28, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ang pagbibigay ng tax relief sa consumers at business owners para sa posibleng pagtaas ng presyo ng ilang bilihin, sa papalapit na kapaskuhan.

Sinabi ni UFCC President Rodolfo Javellana Jr. nitong Linggo na pwedeng suspendihinin ng Kamara at economic managers, maging ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang 12% expanded value-added tax (e-VAT) at ang excise tax mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng basic necessities at prime commodities.

“Sana naman, huwag ‘yung lagi na lang pinapasa sa ating mga consumer. Baka kinakailangan magkaroon muna ng tax relief ang ating mga consumers, ang mga negosyante, habang ganito ang sitwasyon natin,” dagdag niya.

Iminungkahi rin ni Javellana sa Department of Trade and Industry (DTI) na alisin ang suggested retail prices at palitan ito ng fixed prices upang matiyak na walang seller na mananamantala sa consumers.

Samantala, inihayag ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua na ang pakikipag-ugnayan sa manufacturers ay makatutulong na maantala ang price increase para sa ilang bilihin.

Iminungkahi niya na makipag-usap ang DTI sa manufacturers at hilingin sa mga ito na huwag magtaas ng presyo hanggang sa pagtatapos ng taon o sa Enero 2023.

Sinabi rin niya na ang mga consumer ay pwedeng maging “creative and resourceful’ sa pagpili ng produkto.

“You have to be more flexible, more creative, maging maparaan, mapanuri, mapangilatis sa mga produktong binibili natin. People would have to take effort in doing that. Hindi pwedeng umasa lang sa gobyerno, ‘di pwedeng umasa lang sa retailer, umasa sa manufacturer — umasa tayo sa sarili natin,” pahayag ni Cua said.

Idinagdag pa niya na nais makipagkita ni Trade Secretary Alfredo Pascual sa National Price Coordinating Council sa Huwebes upang talakayin kung paano pagagaanin ang price adjustments para sa consumers.

Sinabi naman ni Pascual nitong Sabado na pinag-aaralan ng DTI ang hirit na price adjustment sa ilang basic necessities at prime commodities batay sa kanilang imbentaryo. RNT/SA