Contact ng Chinese mafia sa BI sa human trafficking, pinahuhubaran ng maskara

Contact ng Chinese mafia sa BI sa human trafficking, pinahuhubaran ng maskara

January 26, 2023 @ 9:00 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang masusing pagsisiyasat sa opisyal ng Bureau of Immigration (BI) upang matukoy na kung sino ang maaaring ginagawang contact ng Chinese mafia sa loob ng ahensya.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na malaki ang posibilidad na may koneksyon  ang human trafficking syndicate sa loob ng ahensya dahil   patuloy ang ulat ng outbound human trafficking ng Pilipino na pinilit na magtrabaho bilang scammer ng cryptocurrency.

Nanawagan din ang senador sibakin ang contact ng sindikato BI sa lalong madaling panahon upang matiyak ang proteksyon ng bawat Pilipinong umaalis sa ating bansa.

“Marami nang napabalitang nasibak pero tuluy-tuloy pa rin ang pagre-recruit ng mga Pilipino para mang-scam. May contact pa ba ang sindikato sa loob ng BI? Bakit hindi ito matigil?,” the senator asked.

“I had already urged a BI overhaul in the wake of the Pastillas scam investigation two years ago, pero parang walang nagbago. Sa dami ng mga nai-traffic na Pilipino na nasa Cambodia at Myanmar pa rin, ang BI, bilang ating huling linya ng depensa laban sa trafficking, ay malinaw na may shaping up na kailangan gawin. Kailangang i-regroup at ayusin ng BI ang kabuuan ng kanilang ahensya,” dagdag ni Hontiveros.

Ayon din sa senador, dapat ding balikan ang Immigration Modernization bill para mapahusay ang operasyon ng BI, tulad ng pagsasaayos ng salary grade, pagbibigay ng immigration system updates, at iba pa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, isiniwalat ni alyas Ron*, isa sa mga Pinoy na na-traffic sa Cambodia, na pinilit siya ng kanyang mga amo na Tsino na mag-recruit ng ibang mga Pilipino para magtrabaho sa mga operasyon ng crypto scam.

Ibinahagi ni Ron na ang namumuno ng recruitment, na nagngangalang Rachel Almendra Luna, ay may mga contact sa mga opisyal ng imigrasyon sa Clark airport.

“Tahasang sinabi ni Rachel na nag-aabot sila sa Immigration Officer para makalabas yung mga Pilipino, pero hindi niya binigay ang mga pangalan ng mga contact nila sa immigration,” sabi ni Ron sa hearing.

Ibinunyag din niya na ang lahat ng kanilang recruitment ay nangyayari sa Facebook groups. Magpo-post sila ng mga ad ng trabaho na nananawagan sa mga Pilipino na mag-aplay para sa isang customer service agent na trabaho sa Cambodia, na nangangako ng suweldo na hindi bababa sa $600 bawat buwan.

“Kailangang sagutin ng Facebook ang mga trafficking scheme na ito na ginagawa sa kanilang plataporma. Ang kumpanya ay dapat magkaroon ng kamalayan sa modus na ito at maging sa pagbabantay para sa mga ganitong uri ng mga post. I-take down o i-block na dapat ang mga account o posts na mga ito para hindi na makapag-recruit pa ng Pilipino,” sabi ni Hontiveros.

Sa pagdinig, ibinunyag rin ni Ron na pinadaan siya ng kanyang amo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) gamit ang pangalan ng ibang kumpanya, pekeng invitation letter, at iba pang papeles. Sa kabila ng mga maling dokumento, binigyan siya ng Overseas Employment Certificate.

“Hindi ba ang employment contract ay dapat i-verify at i-authenticate? Wala bang kahit anong screening to identify possible red flags? Maaari bang umarkila ang mga sindikato sa ilalim ng ilong ng gobyerno ng Pilipinas?” tanong ni Hontiveros sa pagdinig.

“Ito ay walang iba kundi isang nagbabadyang makataong krisis na ginagawa ng pinakamasamang sindikatong kriminal. Mga marahas na sindikato na binubusalan, tinatali at kinukuryente ang mga empleyado. Mga walang pakundangan kung manuhol. Wala tayong dapat itigil hangga’t hindi nakukulong ang mga kasabwat sa mga sindikatong ito. Anything short of this will only lead to more Filipinos being thrown to the wolves,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes