Contingency plan ng LGU sa aktibidad ng Mayon, repasuhin – NDRRMC

Contingency plan ng LGU sa aktibidad ng Mayon, repasuhin – NDRRMC

October 10, 2022 @ 6:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Oktubre 10 sa mga disaster responders at local government units na repasuhin na ang kanilang contingency plans habang nasa ilalim ng alert level 2 ang Bulkang Mayon.

Sa public briefing, sinabi ni NDRRMC spokesperson Assistant Secretary Raffy Alejandro na naka-alerto na at nasa heightened monitoring na ang ahensya sa sitwasyon sa bulkan.

“Kailangan siguraduhin natin na handa lahat ng mga responders o LGU for that matter, para mag-react tayo in case na i-elevate pa or may further activities,” ani Alejandro.

“So kailangan i-revisit natin yung contingency plan, mag-stockpile na tayo ng mga resources and of course mag-conduct tayo ng early assessment habang nasa Alert Level 2 pa lang siya,” dagdag niya.

Matatandaan noong Biyernes ay inangat na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status sa Mayon Volcano mula sa alert level 1 patungong 2 dahil sa tumataas na aktibidad dito. RNT/JGC