Convergence plan sa agrarian reform beneficiaries sa GenSan, ikinasa!

Convergence plan sa agrarian reform beneficiaries sa GenSan, ikinasa!

February 3, 2023 @ 7:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Upang paunlarin ang pamumuhay ng mga magsasaka, pitong ahensya ng pamahalaan at siyam na local government units (LGUs) ang bumuo ng convergence plan na pakikinabangan ng mga miyembrong agrarian reform beneficiary (ARB) na kabilang sa 113 agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Sarangani at General Santos City.

Sa press release sinabi ni Mariannie S. Lauban-Baunto, Department of Agrarian Reform (DAR) Soccsksargen Director, na ang ahensya ay nakipagsanib-puwersa sa Cooperative Development Authority (CDA), Philippine Coconut Authority (PCA), Department of Agriculture (DA), Department of Science at Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Trade and Industry (DTI) kung saan ang lahat ay sumang-ayon na magkakaloob ng mga pangunahing suportang serbisyo sa mga ARB sa lugar.

Sinabi ni Baunto na ang kaganapang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kay DAR Secretary Conrado Estrella III, na mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng iba’t ibang suportang serbisyo tulad ng farm machineries, farm inputs, agricultural technologies and trainings, bukod sa iba pa.

“These agencies have committed to sharing their resources to help uplift the lives of our farmers and promote sustainable development in the countryside,” ayon sa opisyal.

Ang mga kinatawan na nagharap ng kanilang mga programa at proyekto na mapakikinabangan ng mga ARB sa lugar ay kinabibilangan ni Doreen Ancheta, CDA Regional Director; Elisa Gabi, PCA Regional Director; Jocelyn Misterio, DA Regional Director; Forester Nabil A. Hadji Yassin, DOST Acting Provincial Director; Karen Cariga, DENR Supervising Ecosystems Management Specialist; at Hazel Daze Flores, DTI Development Specialist.

Kaugnay nito kinilala ng mga kinatawan mula sa 9 na LGU ang malaking kontribusyon ng DAR para sa pagsasakatuparan ng proyekto, habang kanilang ipinangako na kanilang susuportahan ang convergence plan at tiniyak sa mga ahensyang sangkot ang kanilang suporta sa paghahatid ng mga suportang serbisyo sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Kabilang sa mga LGU ang pamahalaang panlalawigan ng Sarangani, General Santos City, municipal LGUs ng Sarangani, Alabel, Glan, Kiamba, Maasim, Malapatan, at Malungon. Santi Celario