Convicted drug lord Colangco ‘di babawiin mga salaysay vs De Lima sa NBP drug trade

Convicted drug lord Colangco ‘di babawiin mga salaysay vs De Lima sa NBP drug trade

June 14, 2022 @ 10:04 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patuloy na pangangatawanan ni convicted drug dealer na si Herbert Colangco ang mga pahayag nito laban kay Senator Leila De Lima sa pagkakadawit sa iligal na drug trade sa National Bilibid Prison.

Ito ay kahit na ang ilang mga testigo sa drug case ni De Lima ay bumaligtad at binawi ang kanilang mga pahayag.

“Kahit sino pang Poncio Pilatong nandiyan, hindi pwede. Bakit mag-recant po ako? Ito ang katotohanan. Hawak ko. ‘Di ko ipinagpalit sa kasinungalingan,” ani Colangco.

Iginiit din niya at ng kanyang mga kinatawan na may grupong palihim na lumalapit sa mga testigo para pahinain ang kaso laban kay de Lima.

Sinabi rin ni Colangco na ang mga bagay na isisiwalat niya tungkol kay de Lima at sa kanilang mga transaksyon sa droga, at ang mga pahayag na ito ay suportado ng ebidensya.

Sa kabilang banda, itinanggi ng abogado ni de Lima na pinipilit nila ang mga testigo na bumaligtad. Higit pa rito, naniniwala sila na ang mga kaso laban sa senadora ay dapat na i-dismiss sa lalong madaling panahon.

“Kung gagapang kami dapat noon pa namin ginawa. Pero hindi namin gawa yan, at walang instruction si Secretary de Lima na gawin yan,” anang abogado ni de Lima na si Atty. Filibon Tacardon. “Naniniwala kami sa katotohanan at yan ay lalabas at lalabas rin, mag-recant man siya o hindi.”

Ipinagpatuloy ni Colangco ang kanyang testimonya sa korte noong Lunes, kung saan inulit niya na nagbibigay siya ng P1.2 milyon kay Corrections Bureau Director Franklin Bucayu bawat buwan. Pinatotohanan din niya na nag-aabot siya ng pera sa dating aide ni de Lima na si Joenel Sanchez.

Ipagpapatuloy ni Colangco ang kanyang testimonya sa Hunyo 27.

Sa pagsasalita sa harap ng Kongreso, kapwa itinanggi nina Bucayu at Sanchez ang mga pahayag ni Colangco. Nauna na ring itinanggi ni De Lima na may mga ganoong kabayaran.

Samantala, humingi si de Lima sa korte ng June 19-25 medical furlough para sa major surgery sa kanyang matris. RNT