Cooker inutas ng riding-in-tandem sa karinderya

Cooker inutas ng riding-in-tandem sa karinderya

January 20, 2022 @ 3:45 PM 7 months ago


ISABELA- Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang kapulisan sa nangyaring pamamaril sa isang tagaluto o cooker sa pinagtatrabahuang karinderya sa Purok 2, Brgy. Magdalena, Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang biktimang si Manuel Limon, 49-anyos at residente sa nasabing lugar.

Habang blangko pa rin ang pulisya sa pagkakilanlan ng mga riding-in-tandem criminal.

Dakong alas-5 kaninang madaling araw nang pagbabarilin sa loob mismo ng karinderya na pagmamay-ari ng isang Brgy. Tanod na si Ginoong Delfin Santos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang inaasikaso ng biktima ang isang customer nang bigla na lamang itong lapitan ng isang armadong lalaki at pinagbabaril sa katawan.

Agad bumulagta sa sahig ang biktima na naligo ng sariling dugo na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Matapos ang pamamaril sa biktima ay agad na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo sa hindi pa mabatid na direksyon.

Umaapela ang mga pamilya ng biktima ng agarang aksyon ng pulisya. Rey Velasco