Correction system, bigyang prayoridad ng pamahalaan – Dela Rosa

Correction system, bigyang prayoridad ng pamahalaan – Dela Rosa

October 24, 2022 @ 5:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dapat bigyan ng prayoridad ng pamahalaan at tanggapin ang kaawa-awang estado ng correction system ng bansa, ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Lunes, Oktubre 24.

Matatandaan na bilang dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor), dati ay tinatawag umanong “latak ng lipunan” ang naturang ahensya.

“Ang bottomline diyan is ‘yung ating correction program dito sa Pilipinas ay kailangan talaga na bigyan pansin ng gobyerno,” paggigiit ni Dela Rosa.

“Nung ako’y hepe ng BuCor ay assessment ng gobyerno sa BuCor, sa correction system ng Pilipinas ay parang bang sabi nila: ‘Latak ng lipunan ‘yan, bakit mo pagtuunan ng pansin?’” pagbabahagi niya.

Maliban dito, nagpaabot din siya ng kalungkutan na ang prayoridad ng pamahalaan ay ang kalusugan at edukasyon samantala nagipit na ang pondo ng corrections system sa bansa.

“Kawawa. ‘Yan ang sad state ng ating corrections system sa Pilipinas,” aniya.

Ang pahayag na ito ni Dela Rosa ay bunga ng balita na ang kill order para sa broadcaster na si Percy Lapid ay utos pa mula sa ilang indibidwal na nasa loob ng New Bilibid Prison batay sa testimonya ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Suhestyon ng Senador, maaaring mabawasan ang mga katulad na insidente kung makapagpapatayo ng state-of-the-art maximum security prison.

“Hanggat hindi mo sila ma-deny ng visitation rights, meron pa ring mangyayari,” dagdag pa ni Dela Rosa.

“‘Yung mga drug lord gumagawa pa rin ng paraan through visitation. Hindi mo man sila ma-deny ng visitation rights nila kasi human rights nila ‘yan.” RNT/JGC