CORRECTIONAL , HINDI PUGAD NG MGA KRIMINAL

CORRECTIONAL , HINDI PUGAD NG MGA KRIMINAL

November 11, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


NAKADIDISMAYA ang pagkadiskubre ng mga awtoridad sa National Bilibid Prison na ngayo’y tinagurian nang pinakamalaking grupo ng sindikatong sangkot umano sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad mula sa talamak na bentahan ng droga, murder at iba pang krimen.

Ito ang nagkakaisang pahayag ng Department of Justice at Department of Interior and Local Government makaraan ang isinagawang paggalugad ng mga kawani nito kung saan tumambad ang mga kontrabando kabilang ang droga,baril,mobile phones at computers na pinaniniwalaan ginagamit ng criminal gangs sa mga iligal na transaksyon nito sa loob.

Mismong si DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang nagsabi na sentralisado ang kalakaran ng mga iligal na aktibidad sa loob ng pambansang piitan na itinuturing na haligi ng reporma para sa mga indibidwal na nagkasala sa batas na kailangang baguhin ang pagkatao bago ibalik sa lipunan bilang normal na mamamayan.

Lumalabas na protektado umano ng ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Corrections ang sindikato kaya hindi ito natibag ng ilang taong malayang nakapagsagawa ng iligal na gawain nito kapalit ang pinaniniwalaang milyones na itinatapal sa ilang ganid sa kwartang opisyal at gwardyang yumaman na ng husto.

Hindi sa hinuhusgahan ang suspendidong BuCor chief na si General Bantag at iba pang umano’y sangkot sa pagpatay sa kilalang brodkaster na si Percy Lapid subalit batay sa nadiskubre ng awtoridad, lumalabas na ang motibo sa pamamaslang sa mamamahayag ay bunsod nang ibinulgar nitong mabilisang pagyaman ng una mula nang umupo bilang warden.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na natisod ni Percy ang malaking sindikato sa loob na pinaniniwalaang ugat ng biglang-yaman ni Bantag na umano’y kapalit nang ibinibigay niyang proteksyon sa mga iligal na transaksyon sa loob.

Sa ganitong kalagayan ng itinuturing na institusyon ng pambansang reporma ng mga bilanggong nagkasala sa kapwa nila at sa batas,maibabalik pa kaya ng gobyerno sa kanila ang tuwid at tamang ugali samantalang pinaniniwalaang ang ilan sa mga ito ay ginagamit ng mga grupo sa loob sa kanilang iligal na transaksyon?

Susmaryusep! Kailangan talagang malinis at walang bahid ng anomang katiwalian ang ilagay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na BuCor chief upang maibalik ang dating imahe ng NBP na rehabilitasyon ng mga preso at hindi pugad ng sindikato.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com