Council meeting ng PDP-Laban, ‘di dadaluhan ni Digong

Council meeting ng PDP-Laban, ‘di dadaluhan ni Digong

May 31, 2021 @ 3:24 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Hindi dadalo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa council meeting ng PDP-Laban na ipinag-utos nito kay Energy Secretary Alfonso Cusi bilang Vice Chairman ng ruling party PDP-Laban na i-organisa at pamunuan.

Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi kasi kasama sa official schedule ng Pangulo ang nasabing council meeting.

Sa kabilang dako, ang council meeting ayon kay Sec. Roque ay naglalayon na konsultahin ang mga miyembro ng partido at magkaroon ng mabunga at produktibong pagapalitan ng opinyon sa mga usapin na nakaaapekto sa PDP-Laban.

“This move, which is part of the democratic exercise, aims to consult party members and have fruitful and productive exchanges on issues affecting PDP-Laban,” ani Sec. Roque.

Kamakailan kasi ay sinabihan ni Senator Manny Pacquiao ang mga kapartido sa Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na huwag dumalo sa national assembly na inorganisa ni party vice-chairman at Sec. Cusi.

“You might have received Vice Chairman Alfonso Cusi’s letter calling for a national assembly on May 31, 2021,” nakasaad sa memorandum na pirmado ni Pacquiao.

“All concerned Partymates are strongly advised to ignore the letter,” dagdag nito.

Ayon sa senador labag ito sa Sections 4 and 5, Article XVI of the PDP-Laban’s Constitution at hindi pinahintulutan ng Authorized National Council officials.

“Any call for a national council, assembly, or meeting must be approved by the both Chairman and the President only,” batay sa memo.

“This is not the time for politics. Instead, let us help our country ravaged by the COVID-19 pandemic,” nakasaad pa rito.

Nagsimula ang alitan nina Pacquiao at Cusi matapos kumalat ang resolusyong hinihimok si Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise-presidente sa 2022.

Giit ni Pacquiao na hindi ito pinahintulutan ng liderato ng partido at sinabihan si Cusi na huwag lasunin ang isip ng mga kapwa-kapartido dahil hindi pa prayoridad ang politika sa ngayon.

Samantala, wala namang ideya si Sec. Roque kung nag-request ng miting si Senador Pacquiao kay Pangulong Duterte.

“Wala po akong impormasyon diyan. Iyan po’y dinadaan sa Appointments Office,” aniya pa rin. Kris Jose