COVID-19 booster shots ‘di pa kailangan sa Pinas – DOH

COVID-19 booster shots ‘di pa kailangan sa Pinas – DOH

July 7, 2021 @ 5:39 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi pa kailangan sa ngayon ng Pilipinas ang COVID-19 booster shot o ang ikatlong shot ng bakuna.

Paliwanag ni Department of Health (DOH) spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang booster shot ay itinuturok matapos ang ikalawang doses para mas mapalakas pa ang immunity.

“Sa ngayon, wala pa pong sapat na ebidensya na makakapagsabi na kailangan na bigyan ng booster ang ating mga kababayan,” ayon kay Vergeire sa isang online forum.

“Aantayin po natin ang lahat ng ebidensya. Hindi po natin kailangan magmadali para sa booster,” dagdag pa niya.

Ani Vergeire na hindi pa nila inirerekomenda ang ikatlong shot dahil limitado pa rin ang suplay ng bakuna.

“Sa ngayon po hindi pa ganun ka-stable ang supply ng bakuna at hindi pa nabibigyan ang marami sa ating populasyon,” aniya pa. RNT