COVID-19 case sa 12 lugar sa NCR patuloy na tumataas

COVID-19 case sa 12 lugar sa NCR patuloy na tumataas

June 15, 2022 @ 5:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakitaan ng Department of Health ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases ang labindalawang (12) lugar sa National Capital Region.

Pero ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi naman ito gaanong “significant” dahil hindi naman ito nakaaapekto sa admission rate sa mga ospital o sa bilang ng mga severe at critical COVID-19 cases.

“Ang nakikita natin ngayon, most of the infections are mild and asymptomatic. And, hopefully, it stays that way. But this is no reason for all of us to not be cautious,” saad ni Vergeire.

Mahigit kalahati rin aniya ang naa-admit sa ospital ay mga mild at asymptomatic.

Ayon kay Vergeire, 498 lang o 11.3% ng kabuuang admission rate ang severe at kritikal.

Mas mababa ito ng 17% kumpara sa 599 severe at critical admissions na naitala noong nakaraang linggo.

Habang ang healthcare utilization rate ay nananatili rin sa low risk.

Samantala, tumaas sa 1.9% ang national positivity rate habang ang average daily attack rate (ADAR) ay nananatili sa 1 per 100,000 population na nangangahulugan din na nasa low risk ng COVID-19.

“Wala naman po tayong dapat ipangamba dahil nanatili pa din tayo sa low risk case classification kahit mayroon na pong kaonting pagtaas in the recent one to two weeks,” dagdag niya.

Una nang sinabi ni Vergeire na para maitaas sa Alert Level 2 ang NCR, dapat na ma-classify muna ito sa moderate risk o makapagtala ng moderate risk total bed utilization rate. JCM/ Jocelyn Domenden-Tabangcura