COVID-19 fund maayos na nagastos-DOH

COVID-19 fund maayos na nagastos-DOH

November 30, 2022 @ 3:54 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Health (DOH) na naging maagap sila sa paggastos ng pondo ng publiko para sa pambili ng COVID-19 vaccines.

Ang komento ng DOH ay matapos hilingin umano ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) ang isang espesyal na pag-audit sa mga pautang na kanilang ipinagkaloob sa gobyerno ng Pilipinas.

Mismong si Commission on Audit chairman Gamaliel Cordoba ang nagpahayag nito.

Aniya, naunang sumulat sa COA si dating Health secretary Francisco Duque III na hindi nila maibibigay ang mga dokumento dahil nilagdaan nila ang non-disclosure agreements sa mga supplier.

Nauna na ring nagpahayag si senator Sonny Angara na ang DOH ay hindi pa nakakapag-liquidate ng bilyon-bilyong public fund na ginagamit sa pagkuha ng mga COVID-19 vaccines dahil ang mga kamay nito ay nakatali ng NDA na ay pinasok ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga supplier ng bakuna.

Ayon kay Angara, mayroong P8.93 bilyon sa ilalim ng 2021 national budget na inilaan para sa pagbili ng bakuna at halos P70 bilyon mula sa foreign-assisted loan.

Bukod dito,may iba pang mga nakalaan para sa COVID-19 vaccines na kasama sa iba pang mga batas.

Sinabi naman ni Senator Francis Escudero na kulang ang opisyal na impormasyon mula sa gobyerno kaugnay sa procurement ng COVID-19.

Aniya ang audit report sa nasabing procurements ay dapat ibigay ngayon dahil nakuha ang mga bakuna noon pang huling bahagi ng 2020 o unang bahagi ng 2021. Jocelyn Tabangcura-Domenden