COVID-19 growth rate sa NCR bumaba sa 5% – OCTA

COVID-19 growth rate sa NCR bumaba sa 5% – OCTA

August 10, 2022 @ 1:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Bumaba sa 5 porsyento ang one-week growth rate ng COVID-19 infections sa National Capital Region (NCR), ayon sa independent monitoring group OCTA Research nitong Miyerkules.

Base sa tweet, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang growth rate ng NCR hanggang nitong Martes ay 5 porsyento na lamang matapos makapagtala ng 828 bagong COVID-19 cases.

Mas mababa ito ng 14 porsyento kumpara na naitala sa NCR noong Agosto 2.

Samantala, bumaba rin sa 1.17 ang reproduction number ng NCR kumpara sa 1.24 nitong nakaraang linggo.

Bukod dito, ang one-week positivity rate ng NCR ay sa 17.4 porsyento.

“This once again gives us hope that the peak of the wave in the NCR may occur by next week (no guarantees, of course),” ani David.

Inihayag niya nitong Lunes na mas matagal ang COVID-19 wave sa bansa na maaaring umabot hanggang “ber” months.

Iginiit din ni David na ang seven-day COVID-19 case ng NCR ay bahagyang tumaas sa 1,275. Umabot na rin ang average daily attack rate (ADAR) sa 8.85 kada 100,000 population.

Samantala, pumalo naman ang healthcare utilization rate sa rehiyon sa 35.7 porsyento, habang bahagyang tumaas ang intensive care unit (ICU) occupancy sa 31 porsyento.

“The trends need to be consistent for about a week before we can confidently say there is a downward trend,” sabi ni David.

Nakapagtala ang Pilipinas ng 2,618 bagong COVID-19 cases nitong Martes, dahilan para sumampa sa 36,666 ang aktibong kaso. RNT/SA