COVID-19 Hospital sa Luneta, tatanggalin na

COVID-19 Hospital sa Luneta, tatanggalin na

October 28, 2022 @ 6:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na sisimulan nang tanggalin ang itinayong Manila COVID-19 Field Hospital na matatagpuan sa tapat ng Quirino Grandstand sa nasabing lungsod sa unang araw ng Nobyembre.

Nabatid kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, hindi napagbigyan ng National Parks Development Committee (NPDC), na syang may hawak sa Quirino Grandstand, ang kahilingan ng pamahalaang lungsod hinggil sa pagpapalawig ng operasyon ng nasabing Field Hospital.

Sinabi ni Lacuna na nakiusap umano sila sa NPDC na mapanatili ang COVID-19 Field Hospital ngunit may mga plano na umano sila sa Luneta Park. Aniya, mismong ang Department of Health (DOH) ay umapela rin sa NPDC ngunit hindi na sila pumayag para sa pagpapalawig ng COVID-19 Field Hospital.

Dahil dito, ani Lacuna ay unti-unti na ang pagbaklas sa pasilidad at mula noong Oktubre 20 ay hindi na rin tumatanggap ng mga pasyente ang nasabing field hospital na ang karamihan ay Overseas Filipino Workers (OFWs).

Matatandaan na ang COVID-19 Field Hospital ay ipinatayo ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong 2021 na kasagsagan ng maraming mga kaso ng COVID-19.

Samantala, tiniyak naman ni Lacuna na may sapat na bed capacities sa mga ospital at iba pang health facilities ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila para mga tatamaan ng COVID-19.

Nilinaw din ni Lacuna na hindi masasayang ang mga gamit mula sa COVID-19 Field Hospital kung saan katunayan aniya dito na ang mga container van ay planong gamitin para sa pansamantalang pabahay gaya sa Baseco, habang ang mga medical equipment at iba pa ay ibibigay sa mga pampublikong ospital ng lokal na pamahalaang lungsod. JAY Reyes