COVID-19 patients pangalanan; epektibo sa Sorsogon – Chiz

COVID-19 patients pangalanan; epektibo sa Sorsogon – Chiz

July 22, 2021 @ 8:30 AM 6 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Napanatiling coronavirus-free ng provincial government ng Sorsogon ang mahigit kalahati ng mga barangay nito dahil sa malakas na testing ar contact-tracing.

Ayon kay Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero, nakatulong ang pagpapangalan ng lokal na pamahalaan sa COVID-19 patients para agad na matukoy ang mga taong nakahalubilo nito.

Pero pagtitiyak niya, ginagawa nila ito nang may pahintulot ng pasyente.

“Madalas kasi may mga pasyenteng nagpopositibo na nakakalimutan o sadyang kinakalimutan ‘yung pinanggalingan, pinuntahan, nakausap, o nakasama niya o may tinatago siyang pinuntahan o nakasama o nakausap niya,” ani Escudero sa Kapihan sa Manila Bay forum.

“’Pag pinangalanan namin, kusang loob na lumalapit at nagpapa-test, naga-isolate, nagpapa-quarantine sino mang nakasama niya.”

Siniguro rin ng gobernador na protektado ang mga pasyente sa anti-discrimination ordinance ng probinsya.

“Nung simula, may mga nambato, may mga nang-api, tinaboy-taboy pero pinahuli namin kaagad, nag-sample kaagad kami kaya hindi na po naulit ‘yan,” aniya.

Ipinagmalaki din niya na ang Sorsogon, na may 144 active COVID-19 cases, ang mayroong pinakamababang attack rate at pinakamataas na recovery rate sa buong Bicol region.

Kaugnay nito, umapela si Escudero sa national government na payagan ang pilot testing ng face-to-face classes sa ilang elementary school sa mga virus-free barangay sa ilalim ng bubble system.

Nasa 5,000 residente na ng Sorsogon ang fullly vaccinated laban sa COVID-19 habang mahigit 18,000 ang nakatanggap na ng first dose. RNT

 

 


  •  
  •  
  •