COVID-19 positivity rate sa 7 lugar sa Luzon ‘very high’ pa – OCTA

COVID-19 positivity rate sa 7 lugar sa Luzon ‘very high’ pa – OCTA

August 29, 2022 @ 2:58 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pitong lugar sa Luzon ang nananatiling mas mataas sa 20% o “very high” ang COVID-19 positivity rate sa nakaraang linggo, habang ang sa National Capital Region (NCR) ay bumaba sa 12.9%, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research nitong Lunes.

Sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang one-week positivity rates sa Albay, Cagayan, Camarines Sur, Isabela, La Union, Nueva Ecija, at Tarlac ay bumaba lahat subalit nananatiling mahigit sa 20%, hanggang nitong Sabado.

Tumutukoy ang positivity rate sa porsyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa test.

Pinakamataas ang positivity rate sa Camarines Sur na pumalo sa 46.7% nitong Sabado, na bahagyang mas mababa kumpara sa 47.6% noong Agosto 20.

Sinundan ito ng Nueva Ecija na may 42.5%, Tarlac na may 37.3%, Isabela na may 30.1%, Cagayan na may 29.7%, Albay na may 21.2%, at La Union na may 20.1%.

Pinakamababa naman ang positivity rate sa Bataan sa buong Luzon sa 8.8% mula sa nakaraang 10.5%.

“Nearly all provinces in Luzon had a decrease in positivity rate,” ani David.

Sa NCR naman, sinabi ni David na ang one-week positivity rate ay bumaba mula sa 14.6% sa 12.9% nitong Agosto 27.

Naitala sa Pilipinas ang 2,318 bagong COVID-19 cases nitong Sabado. RNT/SA