COVID-19 SA MINDANAO, MAS MATAAS NA SA NCR

COVID-19 SA MINDANAO, MAS MATAAS NA SA NCR

June 7, 2021 @ 10:51 AM 2 years ago


NAKABABAHALA ang ulat ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire kung saan inungusan na ng Mindanao ang NCR hinggil sa mga kaso ng COVID-19.

Lumalabas sa datos nito na 25 porsyento ng kabuuang nahawaan ng virus ay mula sa rehiyong ito kung saan kumambyo na rito ang epicenter ng mabilis kumalat ngayon na sakit.

Maging sa Visayas, Northern at Southern Luzon ay tumaas rin ang bilang ng mga nagpositibo kung saan halos 5,200 hanggang 6,691 ang average daily cases sa bansa nitong nakalipas na dalawang linggo.

Ayon kay Vergeire,  hindi mapigilang paglabas sa pamamahay ng mga pasaway na kababayan, pagbabalewala sa health protocols lalo na ang hindi pagsuot ng facemasks at face shields sa pampublikong lugar, kakulangan ng monitoring sa contact tracing, isolation at treatment ng COVID-19 ang sinisi sa paglobo na naman ng sakit na ito sa bansa.

Tangna, hindi man lang natinag ang dibdib ng taumbayan sa kabila ng 21,732 na namatay sa sakit na ito kung saan ibinabalot na lang sa banig o kaya nama’y sa kumot at agarang inilalagay sa hukay na hindi na nasisilayan ng mga kaanak nito sa mga lalawigan.

Bagama’t isinisisi ang pagtanggal ng 14-day quarantine ng IATF sa umuuwing Locally Stranded Individuals(LSIs) na dahilan ng pagtaas ng COVID-19, ang katigasan ng ulo ng pasaway na mga indibidwal na ayaw sumunod sa simpleng pagsusuot ng facemasks at physical distancing ang ugat ng suliraning ito.

Susmaryusep kung iikutin lang ni PNP Chief Gen.Guillermo Eleazar ang mga probinsya na halos malawakan pa rin ang sabong at tupada sa kabila ng kanyang ibinabang mahigpit na kautusan laban dito.

Alam ba ninyong maraming mayayaman nang sabungero ang nahawaan ng sakit na ito dahil animo’y sardinas na magkakadikit sila kapag nasa loob na ng sabungan?

Sa totoo lang, ang pasaway na sambayanang mahirap at mayaman ang dahilan nang hindi matuldukang sakit na ito.