COVID-19 sa South Korea mabilis lumobo, patay daan-daan kada araw

COVID-19 sa South Korea mabilis lumobo, patay daan-daan kada araw

March 18, 2022 @ 9:28 AM 3 months ago


SEOUL – Mula sa nasa 600,000 kahapon, lumobo pa sa mahigit 621,000 ang natagpuang kinapitan ng COVID-19 sa South Korea sa nakalipas na 24 oras.

Kakambal naman nito ang pagdami rin ng mga namamatay gaya ng 429 ngayong araw at inaasahang pang darami ito bilang bunga ng napakaraming naiimpeksyon.

Ang kambal na Omicron variant na BA.1 at BA.2 ang itinuturong sanhi ng paglobo ng mga maysakit dahil sa bilis ng hawaan dito na pitong beses kumpara sa naunang virus sa Wuhan, China.

Sinasabing nakatulong din nang malaki sa paglala ng pandemya ang nakaraang pambansang halalan dahil sa pagsama-sama ng libo-libong tao sa mga kampanya at pagtitipon.

Bagama’t mataas ang vaccination rate dito na umaabot sa 80 porsyento ng buong populasyon, gayundin sa mga nagkakaedad 60 pataas, nakasama rin umano sa pagturing sa Omicron na isang mahinang variant at doon nagrelaks ang mga Koreano laban dito.

Upang hindi mapuno ang mga ospital at hindi mahirapan ang mga health worker, pinaiiral na ang pag-home quaranting ng lahat ng nagpopositibo ngunit mild at moderate lamang habang ang mga severe at critical lamang ang tinatanggap ng mga ospital. Fred Cabalbag